Ayon sa hepe ng Pozorrubio police na si Chief Insp. Ryan Manongdo, isang reklamo ng paglabag sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 laban sa driver ng truck na si Ryan Alexis Cabatbat at ang kaniyang mga pahinante na sina Arnel Ranghos, Jeric Mejia, Abraham Carrera at Marvin Claveria.
Kabilang rin sina Melchor Cabreros na may-ari ng manukan sa Villasis, at Restituto Ang na may-ari naman ng lote na pinagbagsakan ng mga patay na manok sa Barangay Nantangalan sa Pozorrubio.
Galing ang mga manok sa Barangay Capulaan sa Villasis na namatay naman dahil sa pagkasira ng ventilation system sa manukan.
Ayon kay Pozorrubio Mayor Artemio Chan, inatasan na niya ang may-ari ng manukan na alisin ang mga patay na manok sa lote at ibalik sa Villasis, ngunit ayon sa kapitan ng Barangay Nantangalan na si Domingo Masajo, hindi pa rin inaalis ang mga ito noong hapon ng Lunes.
Ani Masajo, napeperwisyo na ang lahat ng kanilang mga residente dahil sa masangsang na amoy ng mga patay na manok, at mukhang naghahanap pa rin ng ibang mapagtatapunan ang may-ari.
Unang dumating ani Masajo ang isang truck na puno ng mga patay na manok at ibinagsak sa kanilang lugar bandang alas kuwatro ng umaga noong Linggo. Makalipas ang dalawang oras, isa na namang truck ang dumating, at aniya ang napigilan lamang nila ay ang pangatlo na dumating bandang alas otso na ng umaga.