Kinansela na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED).
Inanunsyo ni NDRRMC Chairperson at National Defense Secretary Delfin Lorenzana ang postponement ng drill na orihinal na nakatakda sa Huwebes, September 21.
Magugunitang idineklara ni Pangulong Duterte na National Day of Protest ang September 21.
Ito’y upang malaya anyang makilahok ang lahat ng gustong sumali sa protesta.
Gayunman, nilinaw ni Duterte na hindi “holiday” ang Setyembre 21 kundi magkakaroon lamang ng suspensyon sa trabaho at klase.
Ayon kay Lorenzana, karamihan ng Regional DRRM Councils ay napili ang mga government offices at paaralan bilang pagsasagawaan ng Earthquake drill kung kaya’t mas mabuti umanong ilipat ang petsa nito para mas maraming makalahok.
Sa ngayon, wala pang bagong schedule na napipili ang NDRRMC sa pagdaraos ng earthquake drill.