LPA sa labas ng bansa, isa ng Tropical Depression

Mas lumakas ang southwest monsoon o habagat, na lubos na makakaapekto sa bahagi ng Palawan, Visayas, at Mindanao sa mga susunod na araw.

Ayon sa datos ng Philippine Atmospheric Geophysical, and Astronomical Services Administration o PAGASA, uulanin ang Visayas, at Mindanao, maging ang probinsya ng Mindoro, at Palawan.

Kaunti hanggang sa katamtamang ulap, na may kalat-kalat na pag-ulan, pag-kulog, at pagkidlat naman ang mararanasan sa Metro Manila, at sa natitirang bahagi ng Luzon.

Mahina hanggang sa katamtamang hangin naman mula sa kanluran, timog kanluran ang mararanasan sa Luzon.

Samantala, naging isang tropical depression na ang minomonitor na low pressure area o LPA simula pa noong nakaraang linggo, na nasa silangang bahagi ng Luzon.

May international name na Etau ang namuong tropical depression, na namataang may layong 1,795 kilometro, silangan ng Hilagang Luzon.

May lakas na hangin na 55 kilometers per hour (kph) at inaasahang gagalaw pa hilaga, hilagang kanluran at tinatahak ang linya ng bansang Japan sa bilis na 15 kilometers per hour (kph).

Sa ngayon, maliit ang posibilidad na pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility o PAR, ngunit sakaling ito ay pumasok, ay papangalanan itong Jenny.

Banayad, hanggang sa katamtamang lakas ng alon naman ang kalagayan ng karagatan sa bansa.

Sinabi naman ng PAGASA na unti unting mababawasan ang ulang mararanasan sa dulong bahagi ng Setyembre, hanggang sa unang bahagi ng Oktubre.

Read more...