Handa na ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan kaugnay sa panibagong transport strike ng mga operator at tsuper ng mga pampasaherong jeepneys.
Ang tigil-pasada ay isasagawa sa September 25 at 26, sa pangunguna ng Stop and Go Coalition at kanilang mga miyembro.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, nakatakdang i-preposition ang nasa pitong staging areas para sa mga pribadong bus na sisingil lamang ng minimum fare; pampublikong sasakyan na mag-aalok ng libreng sakay at iba pang mga sasakyan.
Ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA naman, magdedeploy ng mga sasakyan, batay sa CCTV at mga report mula sa ground.
Dagdag ni Lizada, ang Highway Patrol Group o HPG ang magmomonitor sa mga lugar na mayroon maiuulat na harassment o pagbabanta.
May kinatawan naman ng PNP, LTFRB at iba pang ahensya sa MMDA upang agad na makasagot sa mga tawag sa telepono kung may mga report hinggil sa tigil-pasada.
Sa ganitong paraan, ani Lizada, ay madaling makakapag-dispatch ng mga pulis, MMDA at LTFRB enforcers.
Ang dalawang araw na tigil-pasada ng Stop and Go coalition ay bilang pagtutol sa phase out sa mga pampasaherong jeepney, at kontra rin sa mababang singil sa pasahe.