Ayon kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, ang tanging malinaw sa ngayon ay idineklara ni Pangulong Duterte ang Sept. 21 bilang “national day of protest” kasabay ng paggunita sa ika-45 anibersaryo ng martial law declaration.
Aniya, maglalabas pa ng written order ang Malakanyang hinggil sa posibilidad na class suspension at kanselasyon ng government work para sa nasabing petsa.
Ito ay para mas malinaw na mailatag ang anunsyo lalo pa at hindi naman idedeklarang holiday ang Sept. 21.
Paliwanag ni Andanar, kinakailangang linawin kung ang suspensyon ba ay sa Metro Manila lamang o nationwide.
Tiniyak naman ni Andanar na ngayong araw ay ilalabas ng palasyo ang written order para masagot ang mga katanungan ng publiko.