Sa isang panayam, sinabi ni Albayalde na sisibakin sa puwesto ang lahat ng pulis na nakatalaga sa Police Community Precinct 3 sa Pasay City, kabilang na ang commander.
Ang relief order aniya ay bunsod ng isang reklamo laban sa mga miyembro ng PCP 3 kung saan ninakawan umano ng mga pulis ang isang biktima ng robbery.
Sinabi ni Albayalde na iniimbestigahan nila ang alegasyon na pinaghati-hatian at ibinulsa ng mga pulis ang na-recover na pera sa isang robbery victim.
Pero hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Albayalde ukol sa naturang kaso.
Noong nakaraang linggo, sinibak din ang buong Caloocan Police Station 4 dahil sa panloloob sa isang bahay sa lungsog at pagnakaw ng aabot sa P300,000 halaga ng cellphones, dalawang relo at isang wallet.
Dagdag ni Albayalde, tinitignan pa nila ang iba pang posibleng kaso na isasampa laban sa labing apat na pulis mula sa PCP 4 kabilang na ang kanilang team leader na si Senior Insp. Warren Peralta dahil sa paggamit ng menor de edad sa naturang operasyon.