Binigyan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ng cash-for-work ang nasa 190 na pamilya mula sa Marawi City na nag-evacuate sa Cebu.
Sa pamamagitang ng DSWD Field Office sa Central Visayas ay nakipagtulungan ang naturang kagawaran sa lokal na pamahalaan ng Cebu upang maglaan ng P380,000 na cash assistance para sa mga pamilya mula Marawi.
Noon lamang nakaraang linggo ay 164 na katao na ang nakatanggap ng dalawang libong pisong cash assistance matapos magtrabaho ng walong oras sa loob ng sampung araw sa Visayas Disaster Response Center mula August 23 hanggang September 8.
Samantala, ang LGU naman ng Cebu ang siyang nagbigay ng libreng sakay para sa mga benepisyaryo ng cash-for-work.
LGU din ng Cebu ang nagbibigay sa mga pamilya ng iba pa nilang pangangailangan kagaya ng pagkain, tubig, damit, at mga hygiene kits.
Ang cash-for-work ay isang short-term intervention ng DSWD na layuning makapagbigay ng pansamantalang trabaho sa mga distressed o displaced na katao. Ang mga ito ay sasali sa preparednes, mitigation, relief, rehabilitation, o risk reduction projects sa kani-kanilang mga komunidad o evacuation centers.