Sa isang panayam, sinabi ni ACT Partylist Rep. Antonio Tinio na hindi rin nila hahayaan na masaktan ang kanilang mga kasapi sakaling magkaroon ng kaguluhan.
Binanggit pa ni Tinio na isa rin sa mga convenor ng grupo na gumagawa lamang ng senaryo ang pamahalaan para panghinaan ng loob ang ilang mga gustong sumama sa kilos-protesta na kanilang gagawin kasabay ng 45th anniversary ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Hindi na rin umano sila dapat takutin dahil beterano na sila sa mga malalaking rally kahit noong wala pa sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag rin ni Tinio na kabilang sa mga isyung kanilang isisigaw sa September 21 ay ang napipintong pag-abswelto sa Pamila Marcos, patuloy na pakikialam ng U.S sa ating bansa at ang dumaraming kaso ng extrajudicial killings sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Bukod sa Metro Manila, sinabi ni Tinio na may mga kilos-protesta rin na gagawin sa ilang mga pangunahing lungsod sa Visayas at Mindanao.