Ilang cabinet officials binantaan ng contempt sa hindi pagsipot sa senado

Kuha ni Chona Yu

Nagbanta si Senador JV Ejercito na ipapa-contempt ang mga miyembro ng gabinete at mga opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa pagmamando ng trapiko sa Metro Manila.

Napikon si Ejercito matapos hindi siputin ng mga opisyal ang pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs sa isyu ng malalang problema sa trapiko sa kalakhang Maynila.

Kabilang sa mga ipinatawag ng senado pero hindi sumipot sina NEDA Secretary General Arsenio Balisacan, DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, MMDA Chairman Francis Tolentino at DPWH Secretary Rogelio Singson.

Pahayag ni Ejercito, tila hindi aniya pinahahalagahan ng mga opisyal ang importansya ng ginagawang imbestigasyon ng senado.

Kinuwestyon ni Ejercito ang mga ipinadalang representative ng mga Cabinet officials dahil wala naman aniyang kakayahan ang mga ito na magdesisyon para sa ahensya.

Nabatid na dalawang linggo ng naipadala ng senado ang imbitasyon sa naturang mga opisyal para magpaliwanag sa problema sa trapiko batay na rin sa inihaing resolusyon ni Senador Bam Aquino.

Pero paliwanag ni MMDA Undersecretary Corazon Jimenez, abala ngayon si Tolentino at Balisacan sa pag-assess kung ano ang naging epekto ng ginawang pagpapakalat ng mga miyembro ng Highway Patrol Group.

 

Read more...