Aquino tuluyang idiniin ng Ombudsman sa Mamasapano massacre case

Radyo Inquirer

Pinanindigan ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng Mamasapano massacre na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP Special Action Force noong 2015.

Ito ay makaraang ibasura ng Ombudsman ang apela ni Aquino laban sa pagsasampa sa kanya ng kasong paglabag sa Article 177 ng the Revised Penal Code (Usurpation of Official Functions) at Section 3(a) ng Republic Act No. 3019 o kasong graft dahil sa pagkonsulta nito sa noo’y suspendidong PNP Chief na si Alan Purisima para sa Oplan Exodus o operasyon para ma-neutralize ang teroristang si Alyas Marwan.

Sa motion for reconsideration ni Aquino, ipinaliwanag nito na ginagawa lamang nya ang kanyang tungkulin na i-maximize ang resources ng gobyerno para matiyak ang tagumpay ng operasyon.

Pero sa resolusyon ng anti-graft body na pirmado ni Ombudsman Conchita Carpio morales noong September 5, iginiit nito na bagaman malawak ang kapangyarihan ni Aquino bilang pangulo ay hindi ito dapat na ginamit para lumabag sa batas.

Noong nakaraang buwan ng Hulyo ay kinasuhan din ng Ombudsman sa Sandiganbayan kaugnay ng Mamasapano massacre sina Purisima at dating PNP-SAF Chief Getulio Napeñas na ayon sa resolusyon ni Morales ay nagsabwatan para sa kasong graft.

Read more...