Dating AFP General nagpaliwanag sa bantang kudeta kay Duterte

AFP photo

Ipinaliwanag ni retired Afmerd Forces of the Philippines Gen. Joselito Kakilala na binura na niya ang kanyang Facebook post kaugnay sa banta ng kudeta laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ng dating opisyal na ito ay makaraan siyang sabihan ng ilang mga kaibigan at dating kasamahan sa militar na fake news ang source ng kanyang impormasyon may kaugnayan sa kudeta.

Pero gayunman ay sinabi ni Kakilala na mas mabuti pa rin na imbestigahan ang nasabing impormasyon.

Nauna nang lumabas ang mga balita na kinukumbinsi umano ng isang mambabatas ang mga miyembro ng Philippine Military Academy Class of 2006 na maglunsad ng rebelyon laban sa kasalukuyang administrasyon.

Isa umanong Capt. Popoy ang mangunguna sa nasabing pag-aaklas.

Sa kanyang panig, ikinatwiran ni Kakilala na nag-comment lamang siya sa nasabing balita na kanyang inilagay sa personal niyang FB account.

Bilang dating pinuno ng strategic group ng AFP, sinabi ni Kakilala na dapat patatagin ang Armed Forces bilang isang professional na organisasyon.

Samantala, mariin namang itinanggi ni Sen. Antonio Trillanes na hinihikayat niya ang ilang miyembro ng Philippine Military Academy Class of 2006 na maglunsad ng kudeta laban sa pamahalaan.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Trillanes na isang “General Kakilala” ang nasa likod ng pagpapakalat ng nasabing pekeng balita.

Nakarating na rin umano sa kanyang impormasyon ang nasabing ulat na usap-usapan sa forum ng mga PMA graduates.

Sa pagdinig ng Senate Finance Committee para sa 2018 budget ng Department of National Defense unang lumabas ang nasabing ulat ng sinasabing planong pagpapabagsak sa kasalukuyang administrasyon.

Sinabi pa ng kampo ni Trillanes na malinaw na ang mambabatas ang sinasabing “Senador” na umano’y nasa likod ng nasabing plano.

Isang nagngangalang Captain Popoy ang sinasabing mangunguna sa grupo ng mga AFP junior officers na maglulunsad ng coup laban sa pangulo.

Ipinaliwanag ng kampo ni Trillanes na hindi totoo ang nasabing usap-usapan at nabiktima ang ilang mga PMA graduates ng fake news.

Read more...