Naghain na ng apela ang Office the Ombudsman sa Korte Suprema sa pagpayag na makapagpiyansa si Senator Juan Ponce Enrile sa kinakaharap nitong kasong plunder.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, inihain nila ang apela sa pamamagitan ng registered mail dahil sarado ang Korte Suprema noong Biyernes.
Tatlong grounds ang pinagbatayan ng Ombudsman sa kanilang isinumiteng apela.
Una, ang pagpayag sa piyansa ay malaking pagbabago sa konstitusyon partikular sa ‘requirements on the grant of bail’.
Ikalawa, sinabi ng Ombudsman na hindi nabigyan ng due process ang prosekusyon at publiko dahil sa ang pangunahing dahilan ng desisyon ay ang kalusugan ni Enrile.
Ang ikahuling ground naman ay ang ‘equal protection of the law’.
Noong August 18, sa botong 8-4 ay pinayagan ng korte suprema na magpiyansa ng mahigit isang milyong piso ang senador dahil sa kaniyang edad at kalusugan.
Nahaharap si Enrile sa plunder at graft charges dahil sa umanoy pagbulsa ng 172 million pesos na kickback sa kanyang priority development assistance fund o PDAF.