PNP hindi na ipipilit ang panibagong DNA test sa bangkay ni Kulot

Nirerespeto ng Philippine National Police ang naging desisyon ng mag-asawang Eduardo at Lina de Guzman na ilibing na kanina sa Pasig City ang bangkay na nakuha sa Gapan, Nueva Ecija na inakala nila na ang nawawalang anak na si Reynaldo de Guzman, alyas Kulot.

Ayon kay PNP Spokesman CSupt. Dionardo Carlos, mahalaga lamang sa kanilang hanay na matukoy ang lugar na pinaglibingan ng bangkay para kung sakaling kailanganin sa karagdagang imbestigasyon ay madaling makukuha ito.

Sinabi ni Carlos na dalawang kaso na kasi ngayon ang iniimbestigahan ng PNP kung saan ay kabilang dito ang tukuyin ang pagkakakilanlan ng inilibing na bangkay sa Pasig City kanina na una nang narekober sa Gapan City. Ikalawa dito ay hanapin ang totoong Reynaldo de Guzman Jr..

Sa ngayon, nakatutok ang Gapan City PNP na tukuyin ang pagkakakilanlan ng bangkay na inilibing kanina habang ang Criminal Investigation and Detection Group Special Investigating Task Group ay nakatutok naman sa paghahanap kay Alyas “Kulot”.

Inirerespeto rin ng PNP ang desisyon ng mga magulang ng biktima na huwag na muling isalang pa sa DNA test ang kanilang nakuhang bangkay.

Read more...