Agad inaprubahan ni Laguna Gov. Ramil Hernandez ang isang resolusyon para sa pagsasailalim sa lalawigan sa state of calamity bunsod ng pananalasa ng bagyong Maring.
Isinumite kay Hernandez ang provincial board resolution kasabay ng pagpapatawag ng sesyon sa Laguna Provincial Hall kanina.
Sinabi ni Hernandez marami sa mga lubhang naapektuhan niyang kababayan ay sa unang distrito ng lalawigan partikular na sa mga lungsod ng San Pedro, Biñas at Sta. Rosa gayundin sa lungsod ng Calamba.
Bukas ayon sa opisyal ay mag -ikot na siya para personal na makita ang pinsala ng bagyo at mamahagi ng mga relief goods.
Isa ang lalawigan ng Laguna sa mga grabeng sinalanta ng malakas na hangin at ulan na dulot ng nagdaang bagyong Maring.
Ngayong araw ay kanselado pa rin ang klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan para maihanda ang mga silid-aralan na binaha rin dahil sa malakas na mga pag-ulan.