Naniniwala si Commission on Human Rights (CHR) Chairman Chito Gascon na ipinakita lang ng mga mambabatas ang pagiging mapaghiganti nang bigyan sila ng P1,000 na budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Gascon, “arbitrary, whimsical and capricious” ang ginawa ng Kamara de Representantes, at hindi nila aniya mawari kung bakit determinado si House Speaker Pantaleon Alvarez at ang maraming mambabatas na isulong ito.
Matatandaang una nang nagbanta at nangako si Alvarez na bibigyan niya ng “zero budget” o kaya ay katiting na budget ang CHR.
Ito’y dahil inaakusahan niya ang ahensya na nagtatanggol lang naman sa mga kriminal.
Ani Gascon, umasa sila na makukumbinse si Alvarez at ang House Majority na bigyan sila ng sapat na budget upang magawa nila nang maayos ang kanilang mandato alinsunod sa konstitusyon.
Giit pa niya, hindi dapat minamasama ng Kongreso ang paggawa nila sa kanilang mandato o tungkulin.
Sa kabila nito, pinasalamatan naman ni Gascon ang 32 na mga mambabatas na nanindigan at sinuportahan ang kanilang panukalang budget.
Sa ngayon, hinihintay na lang ng CHR na madepensahan nila ang kanilang budget sa Senado.