Dalagita, nalunod sa Pasay City

Kuha ni Justinne Punsalang

“Hindi marunong lumangoy ang anak ko.”

Ito ang paulit-ulit na iginigiit ng ina ng dalagitang nalunod sa Tripa de Galina Creek.

Ayon kay Michelle Zamoranos, ina ng labindalawang taong gulang na si Lady Samantha, sa pagkakakilala niya sa kanyang anak, hindi ito kusang loob na tatalon sa naturang creek dahil hindi ito marunong lumangoy.

Ayon umano sa salaysay ng tatlong binatang kasama ng anak na tumalon mula sa Maricaban Bridge, hawak-hawak ng dalawang binata si Samantha nang sila ay tumalon sa tulay.

Ngunit dahil sa lakas ng agos ng tubig sa Tripa de Galina ay nabitawan ng mga ito ang dalagita, dahilan upang pumailalim ito sa tubig.

Inanod ang katawan ng dalagita hanggang sa Andrews Station, kung saan ito narekober.

Ayon sa ama ng biktima na si Arnold, nang umalis ang kanilang anak alas otso ng umaga kanina, ang ipinaalam nito ay maliligo lamang ito sa ulan sa lugar malapit sa kanilang bahay sa E. Cornejo, Malibay, Pasay.

Kaya naman laking gulat nila nang may pumunta sa kanilang bahay para sabihing nalunod na ito sa creek na may kalayuan mula sa kanilang lugar.

Bukas, September 13 pa maaaring kuhanin ng mga magulang ni Samantha ang bangkay nito mula sa Rizal Funeral Homes, kung saan ay sasailalim ito sa autopsy.

Read more...