Bus na-trap sa baha sa Quezon; 8 pang sasakyan ang na-rescue

Isang pampasaherong bus ang na-stranded sa tubig baha sa Pitogo, Quezon.

Lulan ng DLTB bus na may plate number na UYB 365 ang 22 pasahero.

Umabot sa lagpas tao ang tubig baha sa bahagi ng Gumaca-Pitogo Road national highway at pinasok na ng tubig ang bus dahilan para ang mga pasahero ay umakyat na sa bubong ng sasakyan.

Ayon kay Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Henry Buzar, hindi agad nalapitan ang bus dahil sa lalim ng tubig baha at amphibian vehicle ang kinakailangan para marescue ang mga sakay nito.

Maliban sa nasabing bus, mayroon pang ibang sasakyan na na-trap sa naturang kalsada dahil sa lalim ng baha.

Ayon kay Chief Supt. Eric Armamento, provincial director ng Quezon police, walong sasakyan ang kanilang na-rescue.

Hiniling naman ni Buzar sa LFTRB na suspindihin na ang biyahe ng mga bus patungong Bicol dahil ang mga kalsada sa Quezon ay lubog na sa baha.

Samantala, dalawang landslide na rin ang naitala sa lalawigan, isa ay sa Atimonan at isa sa Gumaca.

Wala namang nasaktan o nasugatan sa dalawang landslide.

 

 

 

 

 

 

Read more...