Testimonya ng taxi driver na hinoldap umano ni Carl Angelo Arnaiz, dapat siyasatin

 

Photo from Prosecutor Darwin Cañete

Naniniwala ang Palasyo na mas makabubuti kung isasalang sa masusing imbestigasyon ang testimonya ng taxi driver na si Tomas Bagcal, na umano’y hinoldap ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz.

Matatandaang biglang lumutang si Bagcal noong Linggo at humarap sa media, kung saan kinumpirma niyang si Arnaiz nga talaga ang nang-holdap sa kaniya sa Caloocan.

Gayunman, sinabi nitong mistulang “scripted” ang pagpatay ng mga pulis kay Arnaiz, kasabay ng pagtanggi na nagbigay na siya ng anumang lehitimong affidavit.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, hindi sila basta-basta makakapagbigay ng pahayag tungkol sa umano’y pagiging scripted ng pagpatay kay Arnaiz, dahil mas mabuti kung maimbestigahan muna ito nang maigi.

Umaasa naman aniya ang Malacañang sa pakikipagtulungan ni Bagcal sa otoridad tulad ng ginawa niya sa pagharap niya sa media.

Sa ngayon aniya ay nagsasagawa na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng parallel investigation sa kaso ni Arnaiz, at mahalagang bahagi sa pag-resolba nito ang mga testimonya ni Bagcal.

Hindi rin aniya sila makapagbigay ng ispekulasyon tungkol sa pagkakaroon umano ng pananabotahe kaugnay ng pagkamatay ng mga kabataan.

Samantala, tiniyak naman niya sa publiko na dapat mapanagot ang mga responsable sa pagkamatay ni Arnaiz.

Read more...