Bukas ang Philippine National Police na ipasuri sa ibang organisasyon o institusyon ang pinaglamayang bangkay sa Cainta, Rizal na una nang naiulat na si Reynaldo de Guzman alyas Kulot.
Nauna nang sinabi ng mga pulis at kinilala ng kanyang mga magulang na siya na nga ang 14-anyos na bata na natagpuan na tadtad ng tatlumpong saksak sa kinamatayang Kabayo creek sa Purok Gitna Brgy. San Roque sa Gapan City, Nueva Ecija.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations Deputy Director General Fernando Mendez, nakahanda ang kanilang hanay na isalang muli sa DNA test ang bangkay.
Una rito, sinabi ni Mendez na hindi tugma ang DNA test ng magulang na sina Eduardo Gabriel at Lina de guzman sa bangkay na una nang naiulat na si “Kulot” base sa kinuhang swabbing at biological samples.
Ayon kay Mendez, bahagi ng standard procedure ng PNP na isalang sa DNA test ang bangkay.
Nasa 99.9 percent na accurate ang DNA test ayon pa asa nasabing opisyal ng PNP.
Sa ngayon, sinabi ni Mendez na hindi pa nila naabisuhan ang mag-asawang Eduardo at Lina na hindi si Kulot ang kanilang pinaglalamayan ngayon dahil sa hindi nila makontak ang numero na kanilang ibinigay sa PNP.
Sinabi pa ni Mendez na hindi lang sa mga body markings gaya ng nunal, birth mark o iba pa umasa ang PNP sa bangkay kundi sa scientific test ang kanilang pinagbasehan para sabihin na hindi tugma ang DNA test nina Eduardo at Lina sa bangkay ng bata.
Sa Miyerkules nakatakdang ilibing ang mga labi ng nasabing binatilyo.