Ayon kay Ejercito, malaking bahagi ng shabu at iba pang iligal na droga ang nanggagaling mismo sa China.
Dahil dito, hinihimok niya ang pamahalaan na ibaling ang atensyon sa China.
Hindi anya mareresolba ang problema sa iligal na droga kung nakapokus lamang ang pamahalaan sa maliliit na pusher, retailer at adik na nasa mga kalye at hindi mismong sa mga Chinese na bigtime distributors nito.
Isa sa mga malaking isyu sa bansa ngayon ang pagpasok ng 6.4 bilyong pisong shipment ng shabu sa Bureau of Customs na natagpuan sa warehouse ng isang Chinese na si Richard Tan.
Umaasa si Ejercito na makakita ng mga pag-aresto sa mga big time drug lords.
Nanawagan ang senador sa pamahalaan na seryosong makipag-ugnayan sa mga otoridad sa China.
Dagdag pa niya, kung seryoso ang China na maging kakamping bansa ang Pilipinas ay gagawa ito ng paraan upang mahinto ang shipment ng mga iligal droga sa bansa.