Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, tulad ni Tagle, nais lang ng Pangulong Duterte na maprotektahan at mapangalagaan ang pamilyang Pilipino lalo na ang kabataan.
Anya, maririnig ito sa mga nagdaang talumpati ng pangulo na madalas ay nababanggit ang pangangalaga sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Ani Abella, masyado lang nabaling ang atensyon ng marami sa kabi-kabilang patayan kahit na marami namang drug surrenderees simula ng umupo si Duterte.
Ipinagmalaki ni Abella ang datos noong July 26, 2017 kung saan umaabot na sa 1, 308, 078 ang bilang ng mga drug personalities ang mapayapang sumuko.
Taliwas anya ito sa pahayag ng Cardinal na normal na lamang ang kultura ng pagpatay.
Gayunpaman, pinuri ni Abella ang inisyatibo ng lider ng simbahang Katolika ukol sa pagkakaroon ng multi-sectoral dialogue para pag-usapan ang isyung mga panlipunan partikular ang pagresolba sa droga.
Ayon sa pastoral-letter, naganap na ang isang dayalogo noong Agosto 25 at dinaluhan ng mga Obispo, mga kinatawan mula sa DILG, PDEA, CHR, pulisya, media at maging ng mga kabataan.