Ang alok ng pangulo: gagawing sundalo ang mga miyembro ng NPA na susuko sa gobyerno.
Pero sa ngayon, sinabi ng pangulo na sakaling gagawin niyang sundalo ang mga ito, sa CAFGU o Citizens Armed Force Geographical Unit niya muna itatalaga ang mga ito.
Dagdag pa ni Duterte, bibigyan ng mga armas ang mga rebeldeng susuko, para magamit nila sa pag-protekta sa bansa.
Wala rin aniyang precondition para sa mga susuko, dahil ang kailangan lang nilang gawin ay tumungo sa alkalde ng kinaroroonan nilang lugar o kaya ay dumiretso na sa militar.
Maliban sa mga armas, bibigyan rin aniya ang mga rebelde ng pabahay, sa ginawa ng anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte na housing project para sa mga NPA sa Tugbok district sa lungsod.
Aminado naman ang presidente na hindi niya maaring ihalo ang mga rebelde sa mga sundalo dahil baka magpatayan ang mga ito, kaya ilalagak na lang aniya ang mga NPA sa Tugbok, habang sa Matina naman ang mga sundalo.