Bahay ng vice mayor sa Maasin, Iloilo, sinalakay ng pulisya

Sinalakay ng mga tauhan ng Iloilo Police ang bahay ni Maasin, Iloilo Vice Mayor Francis Amboy sa Barangay Mabris.

Ayon kay Police Chief Inspector Aron Palomo, ang tagapagsaltia ng Iloilo PNP, pasado alas 5:00 ng umaga ng Biyernes, sinalakay ng mga pulis ang bahay ni Amboy bitbit ang search warrant na inisyu ni Judge Evalyn Parol ng branch 31 ng Iloilo RTC.

Paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal possession of firearms ang basehan ng search warrant.

Ayon kay Palomo, nakatanggap kasi sila ng impormasyon na may 9MM na baril ang vice mayor at isang taon nang expired ang lisensya.

Bukod dito, sinabi ni Palomo na kasama rin sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ni Amboy pati na ang mayor ng Maasin, Iloilo na si Mariano Malones.

Gayunman, sinabi ni Palomo na bigo ang kanilang hanay na makakuha ng baril o ilegal na droga sa bahay ni Amboy.

Isinuko na umano ni Amboy ang kanyang 9MM na baril sa pulis noon pang nakaraang taon.

Dahil sa walang nakuhang ebidensya, hindi na inaresto ng mga pulis ang vice mayor.

Gayunman, sinabi ni Palomo na tuloy pa rin ang kanilang case build up laban kay Amboy kaugnay sa umanoy partisipasyon nito sa kalakalan ng ilegal na droga.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...