Sa kasagsagan kasi ng pagdinig, tinanong ni Trillanes ang manugang ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Mans Carpio kung kilala niya ang ilang personalidad kabilang na si LTFRB-7 Director Ahmed Cuizon, na itinanggi naman ng abogado.
Sa kaniyang Facebook post, iginiit ni Cuizon na tulad ng iba, kilala lang niya si Carpio bilang manugang ni Pangulong Duterte.
Gayunman, sa totoo lang aniya ay hindi niya mawari kung bakit mababanggit ni Trillanes ang kaniyang pangalan sa Senado.
Mismong si Atty. Carpio na rin aniya ang nagsabi sa pagdinig na hindi sila magkakilala.
Ayaw naman nang magbigay pa ni Cuizon ng anumang komento tungkol sa isyu dahil wala naman aniyang kinalaman ang kaniyang trabaho sa Bureau of Customs (BOC) na sentro ng imbestigasyon ngayon ng Senado.
Nagpasalamat rin si Cuizon sa mga sumusuporta sa kaniya at nag-alala para sa kaniya dahil sa isyu.
Samantala, itinanggi naman ni Carpio at ni presidential son Vice Mayor Paolo Duterte ang akusasyon sa kanila na pagkakasangkot sa katiwalian sa BOC.