Itinakda na ng Commission on Elections (COMELEC) ang simula ng pasahan ng certificates of candidacy (COCs) ng mga tatakbo sa Sangguniang Kabataan (SK) at barangay elections sa September 23.
Ginawa na ito ng COMELEC kahit na hinihintay pa ang batas sa Kongreso na magdedesisyon kung ipagpapaliban ba ang halalan sa October 23.
Nakasaad sa inilabas na abiso ng COMELEC na magsisimula ang pasahan ng COCs ng mga nais kumandidato sa September 23 at matatapos sa September 30, na naaayon sa calendar of activities na kanilang binuo para sa taong ito.
Dalawang panukalang batas ang nakabinbin pa rin sa Kamara at sa Senado na nananawagang iurong ang October elections sa 2018.
Paalala ng COMELEC, ang COCs ay dapat maihain sa opisina ng election officer ng lungsod, munisipalidad o distrito kung saan tatakbo ang kandidato.
Samantala, magkakaroon naman ang mga kandidato para sa barangay at SK elections ng mula October 13 hanggang 21 para mangampanya.
Magsisimula namang umiral ang election period sa September 23 hanggang October 30.