900M budget para sa Oplan Tokhang 2, inuulan ng batikos

 

Inuulan ng batikos ang pag-apruba ng KAMARA sa 900 milyong budget ng Philippine National Police para sa Oplan Tokhang sa susunod na taon.

Ang 900 milyong piso na ito ay bahagi ng proposed 131.3 bilyong pisong budget ng pulisya para sa 2018 na inaprubahan madaling araw kahapon.

Umaalma ang ilang mambabatas dahil 4,400% na mas mataas ito mula sa 20 milyong pisong budget ngayong taon.

Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas hindi raw dapat pinopondohan ang ang mga institusyong pumapatay sa mga Pilipino.

Binanggit din ni Brosas ang sunud-sunod na pagkamatay ng mga binatilyo na pinagpipilitan ng mga pulis na umano’y drug suspects at nanlaban.

Ito rin ang sentimyento ni Akbayan Rep. Tom Villarin at tinawag pang “gangland-style execution” ang Oplan Tokhang na maging mga kabataan ay anya’y hindi pinalalampas.

Ayon naman kay Ifugao Cong. Teodoro Baguilat Jr., pumaparaan ang pangulo na pahupain ang lumalaking galit ng mga tao sa sunud-sunod na pagkamatay ng mga binatilyo sa pamamagitan ng photo opportunities sa mga pamilya ng mga biktima.

Nauna na ring nagpahayag ng pagkabahala sa operasyon ng mga pulis si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto bago pa man aprubahan ang lumubong proposed budget sa KAMARA.

Nangangamba naman si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na tumaas pa ang bilang ng mga namamatay at mapabayaan ng gobyerno ang iba pang aspeto ng kriminalidad dahil sa sobra-sobrang atensyon sa sa iligal na droga.

Read more...