Akusasyon ng “lobbying,” itinanggi ng PAO

 

Mariing itinanggi ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta ang mga akusasyon ng “lobbying” laban sa kaniya.

May mga lumalabas kasing usap-usapan na inilalapit ni Acosta kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kaso ng mga biktima ng patayan.

Giit ni Acosta, doon lamang siya sa katotohanan na kung walang sala, dapat palayain, at kung may sala naman ay dapat mapatawan ng karampatang parusa.

“Hindi. Ako mag-lobby? Kung ano ang totoo lang. Kung walang sala, palayain. Kung may sala, tamang parusa. Dapat maituwid ang may pagkakamali at managot ang dapat managot,” ani Acosta.

Hindi rin aniya nila pagtatakpana ng sinuman dahil hindi nila kinukunsinte ang gobyerno sa anumang pagmamalabis lalo na’t may namamatay.

Paliwanag ni Acosta, desisyon ng pamilya ng mga biktima, at hindi ng PAO, kung nais nilang makipagkita o makipagpulong kay Pangulong Duterte.

Matatandaang pareho niyang sinamahan ang pamilya nina Kian Loyd delos Santos at Carl Angelo Arnaiz sa pakikipagpulong kay Duterte sa Malacañang.

Pero kaugnay ng pamilya ni De Guzman, sinabi ni Acosta na malaya ang mga ito na makipagkita sa pangulo, ngunit mas prayoridad nila ang imbestigasyon sa kaso.

Read more...