Nais paimbestigahan ni Sen. Grace Poe sa Senado ang malagim na pagkamatay ng mga kabataan kamakailan, matapos niyang kundenahin ang pagkamatay nina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman.
Sa inihain na Senate Resolution No. 498 ni Poe, hinihimok niya ang Senate committee on public order and dangerous drugs na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkakapatay sa mga menor de edad at mga kabataan sa kasagsagan ng drug war ng administrasyon.
Ani Poe, dapat nang magsilbing “wake-up call” ang pagkamatay nina Kian, Carl at Reynaldo at maging paalala na ang Pilipinas ay isang bansang may batas at morals.
Giit pa ng senadora, dapat kundenahin ng mga policymakers ang walang habas na pambabalewala ng mga pulis sa buhay ng mga tao, gayong nanumpa sila na poprotektahan at pagsisilbihan ang publiko.
Aniya, dapat alamin ng Senado kung ang mga pagpatay na ito ay pawang mga arbitraty executions na bunsod ng “excessive, disproportionate and illegitimate us of force of law.”
Dapat din aniyang matiyak na nasusunod ng mga law enforcement agencies ang mga operational protocols, na mahigpit na sumusunod o kumikilala sa mga karapatan sa ilalim ng batas ng bansa at international conventions.
Hindi rin dapat aniya magbingi-bingihan sa pangawagan ng hustisya ng mga kaanak ng mga biktima ng mga napapatay na kabataan.
Dagdag ni Poe, dapat maisampa ang mga karampatang kaso laban sa mga law enforcement officers na mapapatunayang lumalabag sa batas kaugnay sa children in conflict with the law.