DND walang balak makipag-negosasyon sa Maute group

Hindi totoo ang mga report na bukas si Defense Secretary Delfin Lorenzana na makipagnegosasyon sa Maute group.

Nilinaw ni Lorenzana na hindi sa kanyang tanggapan galing ang nasabing ulat.

Sa pamamagitan ng text message, inirekomenda ni dating Marawi City Mayor Omar Solitario kay Presidential Peace Adviser Jesus Dureza ang pagkakaroon ng backchannel talks sa teroristang grupo.

Ipinadala naman ni Dureza ang mensahe sa kalihim.

Ipinahayag ni Lorenzana na hindi katanggap-tanggap na makiusap ang Maute group matapos ma-corner, lalo na sa pwersa ng gobyerno na buong araw nasa peligro ang buhay.

Matatandaang may mga alegasyong si Solitario ay may ugnayan umano sa teroristang grupo.

Nauna na ring sinabi ng Armed Forces of the Philippines na inihahanda na nila ang final push para tuluyang madurog ang mga miyembro ng Maute at Abu Sayyaf Group.

Sa kanyang panig, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na bago magpasko ay tapos na ang problema sa mga terorista sa Marawi City.

Read more...