Bitbit ang mga placard na may nakasulat na “Du30 stab wounds” sumugod sa EDSA gate sa Camp Crame sa Quezon City ang 20 miyembro ng Youth Resist.
Ito ay para kondenahin ang mga sunud sunod na pagpatay sa mga kabataan gaya halimbawa nina Kian Loyd De Los Santos, Carl Angelo Arnaiz at si Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman.
Natagpuan ang bangkay ni De Guzman sa Gapan, Nueva Ecija na may 30 saksak sa katawan.
Ayon kay Jeza Rodriguez ng grupong Student Council Alliance of the Philippines, tama na ang madugong mga kaso ng patayan.
Hindi umano mga hayop ang mga kabataan na basta na lang pinapatay sa ngalan ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Hindi umano nila maiwasang masisi si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kaso ng patayan lalo na ng mga kabataan.
Kasama ng mga kabataan na nagsagawa ng kilos protesta si Father Robert Reyes.
Binasbasan at nag-alay pa ng panalangin si Reyes sa mga pulis para mamulat ang mga ito at itigil na ang pagpatay sa mga bata at inosenteng sibilyan.