Kinumpirma ni Las Pinas Representative Mark Villar na may mga pinagpipilian nang kandidato sa pagka-presidente sa 2016 elections ang Nacionalista Party o NP.
Pero tumanggi muna ang kongresista na banggitin kung sinu-sino ang mga pinagpipilian ng kanilang partido, at sa takdang panahon aniya ay ilalahad na ng NP ang mga susuportahang kandidato kabilang na ang magiging standard bearer ng Partido.
Gayunman, may mga nauna na aniyang nagpasabi na mga pulitiko na planong tumakbo sa mataas na posisyon.
Ito ay sina Senador Allan Peter Cayetano, Bongbong Marcos at Antonio Trillanes IV.
Subalit nasa lebel pa rin aniya ng konsultasyon ang NP ngayon sa kanilang mga kapartido at miyembro para tukuyin kung sino ang bubuo sa kanilang line-up sa susunod na halalan.
Gayunman, nagpahaging si Villar na isang mabait, magaling at matalinong senador aniya si Grace Poe, subalit tumanggi siya na sagutin ang tanong kung ang senadora na ba ang susuportahan sa 2016 Presidentials elections ng NP.
Itoy dahil sa katapusan pa aniya ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre ihahayag ng Partido ang linyada ng kanilang mga kandidato.
Maging siya ay nasa estado parin aniya sa pagpupulso sa taumbayan kung tatakbo o hindi sa pagka-Senador.
Kung may mga TV commercials man aniya na lumalabas ngayon,iyon ay pagpapahayag lamang ng ‘legacy’ ng kanilang apelyido.
Tiniyak din nito na wala rin daw balak na sumabak muli sa susunod na halalan ang kanyang ama na si dating Senador Manny Villar.