Trillanes, nagbantang ibubunyag ang umano’y katiwalian ni Gordon

 

Binweltahan ni Sen. Antonio Trillanes IV si Sen. Richard Gordon at nagbanta na sasampahan rin niya ang kapwa senador ng ethics case, tulad ng ginawa nito sa kaniya.

Ayon kay Trillanes, hindi naman siya iyong tipo na mareklamo at malamang na pinalampas na lang niya ito upang mapagtuunan niya ng pansin ang iba pang mas mahahalagang bagay.

Pero aniya, para sa “spirit of justice and fairness,” maghahain rin siya ng ethics case laban kay Gordon sa tamang panahon dahil sa mga “unparliamentary and unethical acts” nito bilang senador at pinuno ng blue ribbon committee.

Giit ni Trillanes, lumabag si Gordon sa rules bilang chairman ng komite nang igiit nito na “on the record” ang pagsasabi niya ng “comite de absuelto,” pagbabalewala sa objection ng isang miyembro, at hindi pagrespeto at pang-iinsulto sa miyembro ng komite.

Ngunit bukod dito, nagbanta rin si Trillanes na ibubunyag niya ang mga umano’y katiwalian ni Gordon bilang chairman ng Philippine Red Cross.

Nanindigan rin si Trillanes na wala siyang nilalabag na anumang alituntunin nang tawagin niyang “comite de absuelto” ang blue ribbon committee na pinamumunuan ni Gordon.

Aniya, sa panahon ngayon ng kabastusan at pagmumura sa ilalim ng administrasyong Duterte, hangga’t hindi siya nagmumura at wala siyang pisikal na sinasaktan, hindi ito maituturing na “crossing the line.”

Read more...