Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya pa rin ang masusunod kung saan niya gustong ipwesto sa loob ng Philippine National Police si C/Insp. Jovie Espenido.
Sa kanyang pagharap sa mga miyembro ng media sa anibersaryo ng Metrobank sa Taguig City, sinabi ng pangulo na batid naman niyang hindi uubra na maging hepe ng isang higly urbanized city tulad ng Iloilo City ang nasabing police official.
Sa ilalim ng PNP Law ay kailangang may ranggong Senior Superintendent ang hepe ng pulisya sa isang lungsod tulad ng Iloilo City.
Pero pwede pa naman daw magamit sa mga anti-drug operations sa lungsod si Espenido.
Sinabi rin ng pangulo na malinaw ang kanyang utos kay Espenido na itatalaga siya sa Iloilo City pero hindi ito nangangahulugan na gagawin siyang hepe ng pulisya doon.
Muling ring binatikos ni Duterte si Iloilo City Mayor Jed Mabilog dahil sa umano’y alok nito na P1 Million reward para sa ikadarakip ng bawat drug personality sa lungsod.
Sinabi ng pangulo na hindi siya pwedeng paikutin ng opisyal sa kanyang pambobola at kahit kailan ay hindi siya maniniwala dito.
Nauna nang isinalarawan ng pangulo ang Iloilo City bilang “most shabulized city in the Philippines”.