Mismong ang Malakanyang ang nagbigay ng katiyakan na walang magaganap na “whitewash” sa kaso ng pagpatay ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz.
Sa briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na mayroong impartial investigation para sa kaso ng binata.
Gaya aniya ng kaso ng pagkamatay ni Kian delos Santos, hindi palalagpasin ng pamahalaan ang mga pulis kung mapapatunayang nagkasala o nang-abuso ang mga ito.
Ani pa Abella, papapanagutin ang mga pulis na lumabag sa police operational procedures na nagbunsod sa pagkasawi ni Arnaiz.
Muling nasasangkot sa kontrobersiya ang ilang tauhan ng Caloocan City Police Station na itinuturong responsable sa pagkamatay ng biktima na nauna nang sinabing nakipagbarilan sa mga alagad ng batas makaraang mangholdap ng isang taxi driver.
Batay sa naunang pahayag ng Caloocan City PNP, dumipensa lamang daw sila dahil si Arnaiz ang unang nagpaputok makaraan nila itong makorner.