Carl Angelo Arnaiz, 5 beses binaril ayon sa autopsy ng PAO

 

Tatlong tama ng bala sa dibdib, isa sa kaliwang tagiliran at isa sa kanang braso.

Ito ang mga lumabas na naging sanhi ng pagkakamatay ng isa na namang binatilyong nasawi sa mga kamay ng Caloocan City police na si Carl Angelo Arnaiz.

Base ito sa isinagawang autopsy ng Public Attorney’s Office (PAO), kung saan nakasaad rin na base sa sugat na natamo ni Arnaiz dahil sa tama ng bala sa dibdib, lumalabas na nakaluhod si Arnaiz nang siya ay barilin.

Ayon pa kay Dr. Erwin Erfe na namumuno sa forensic team ng PAO, ang sugat naman sa kanang braso ni Arnaiz ay posibleng natamo dahil sinubukan nitong salagin ang bala.

Samantala, ang mga nalalabi pa aniyang mga sugat sa katawan ni Arnaiz bunsod ng tama ng bala, ay mula na sa pagpapaputok sa kaniya habang siya ay nakahandusay na sa lupa.

Paliwanag pa ni Erfe, ang tatlong tama ng bala sa dibdib ni Arnaiz ay magkakadikit na tumarget sa puso at mga ugat nito.

Maliban naman sa mga tama ng bala, nakitaan rin ng bakas ng pagkaka-posas si Arnaiz, at posibleng kinaladkad ito dahil sa dami ng gasgas sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Si Arnaiz na taga-Cainta, Rizal ay 10 araw na nawala bago siya natagpuan sa isang punerarya sa Caloocan City.

Read more...