Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio imbitado sa shabu smuggling probe sa Senado

Inquirer file photo

Nakatakdang ipatawag sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sina presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at manugang ng pangulo na si Atty. Mans Carpio.

Ito’y kaugnay sa umanoy anomalya sa Bureau of Customs hinggil sa nakalusot na P6.4 Billion na shabu galing sa China at ang tara system.

Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon, papaharapin na niya sa September 7 hearing sina Duterte at Carpio kahit na sabihing hearsay lamang ang batayan ng pagkakadawi ng kanilang mga pangalan sa nasabing anomaly.

Umaasa si Gordon na sisipot sa pagdinig ang dalawa para hindi mapahiya ang Senado.

Giit pa ng mambabatas, ang pagpapatawag niya kina Vice Mayor Duterte at Atty. carpio ay patunay na hindi niya hinaharang ang pagharap ng mga ito sa imbestigasyon ng Senado kahit kapamilya ang mga ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kaarawan ni Cong. Karlo Nograles sa Davao City ay sinabi ng pangulo na pinayuhan niya ang kanyang anak na dumalo sa pagdinig ng Senado subalit manatili umanong tahimik kapag si Sen. Antonio Trillanes na ang nagtatanong.

Sa nasabing pagtitipon rin ay tinawag ng pangulo na “Trililing” at political ISIS si Trillanes.

Read more...