Sinibak sa pwesto ang dalawang pulis na nasangkot sa pagkasawi ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz sa Caloocan City.
Kapwa inalis sa kanilang pwesto sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita at pansalamantalang inilipat muna sa Camp Bagong Diwa.
Isinasangkot ang dalawa sa pagkasawi ni Arnaiz noong August 18.
Sa kanilang sworn affidavit, sinabi ng dalawang pulis na nangholdap ng taxi si Arnaiz sa bahagi ng C3 Road, kinuha ang wallet ng driver at saka pinukpok ito ng baril.
Nagkataon umano na nagpapatrol noon sa lugar ang mga pulis, at nang sitahin nila si Arnaiz ay pinaputukan umano sila nito dahilan para gumanti sila ng putok na ikinasawi ng teenager.
Pero hindi mapaniwalaan ng kaanak ni Arnaiz ang pahayag ng mga pulis.
Sa autopsy kasi kay Arnaiz, lumabas na may marka ang braso nito na indikasyon na siya ay pinosasan at namamaga din ang mata.
Posible din umanong nakaluhod ito nang barilin.
Ayon sa kapatid ni Arnaiz, hindi kailanman nagkaroon ng baril ang kaniyang kapatid.
Ang katawan ni Arnaiz ay natagpuan sa isang morgue sa Caloocan, mahigit isang linggo matapos siyang iulat na nawawala ng kaniyang pamilya.
Ayon kay Carlito Arnaiz, ama ni Carl, na-diagnose sa ‘clinical depression’ ang kanilang anak sa unang sem nito sa kursong interior design sa University of the Philippines sa Diliman.
Nagtapos sa Makati Science High School at valedictorian si Carl noong elementarya, pero hindi umano nito kinaya ang pressure sa UP dahilan para ma-drop out.
Tinutulungan na ng Public Attorney’s Office ang pamilya ni Carl kaugnay sa kaso.