Sandaling na-trap ang ilang mga turista sa Eiffel Tower matapos itong isailalim sa lockdown dahil sa isang security threat.
Kaniya-kaniyang post sa kanilang mga social media accounts ang mga naroon mismo sa Eiffel Tower nang mangyari ang lockdown.
Karamihan sa kanila ay nagbahagi ng mga larawan at tweet kung saan makikitang kinordonan ng pulisya ang buong base ng Eiffel Tower at nakikipag-usap sa mga saksi.
Sa tweet ng isang netizen na si Bob Thomas, sinabi niyang na-stuck sila sa isa sa mga paanan ng tore, sa labas ng elevator, at kasama nila ang mga staff.
Base aniya sa sinabi sa kanila ng staff, isang lalaki ang kumikilos nang kakaiba sa ikalawang palapag ng Eiffel Tower, pero wala namang kinumpirma na may hawak itong anumang armas.
Matapos ang halos isang oras mula sa unang tweet ni Thomas, sinabi niya na nagbalik na sa normal ang lahat at inaresto ng mga pulis ang nasabing lalaking kakaiba ang kilos.
Muli naman nang nagbukas ang Eiffel Tower para sa mga turista.