Sa report na pirmado ni Chief Inspector Joselito de Ocampo, hepe ng Manila Police District General Assignment and Investigation Section, kinilala nito ang biktima na si Ramir Roda Junior, at ang mga suspek na sina Ray Jordan Miguel alyas Jordan at Daniel Isaiah Decena alyas Ian.
Ang mga suspek na huli umanong nakitang kausap ng biktima ay naisalang sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office para sa kasong robbery with homicide.
Ang mga labi ng biktima ay natagpuan sa morgue Quezon City General Hospital makaraang iulat ng QCPD na isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na biktima ng pamamaril ang natagpuan sa Barangay Manresa nang gabi na huling nakitang buhay at umalis ng kanilang bahay ang biktima.
Ang suspek na si Jordan na nagpanggap na pulis at nagkataong kaibigan at kapitbahay ng biktima ay ang unang naaresto matapos masita dahil gumagamit ng maling plaka sa kanyang motorsiklo nuong August 28.
Nakita mula sa kanyang mga gamit ang isang resibo ng pinagsanglaan ng bracelet na pag-aari ni Ram Ram.
Sunod namang naaresto sa isang operasyon sa Antipolo St sa Maynila si Decena na nagtangka pa umanong manlaban gamit ang kanyang baril, pero bigong makaporma sa mga pulis.
Nakita naman mula sa kanyang bulsa ang mamahaling cellphone na pag-aari ni Ram Ram.
Nakumpirma rin sa CCTV Footage ng isang gasolinahan sa Pritil, Tondo na ang dalawang suspek ang huli ngang kausap ni Ram ram nang gabi na siya ay mawala.
Naniniwala ang MPD na ang nasabing sirkumstansya, at ang nakalap nilang ebidensya ay sapat na para sabihin na may sabwatan sa pagitan nina Miguel at Decena para pagnakawan si Ramram at kalaunan ay patayin sa pamamagitan ng baril.