Mga ebidensya ni Trillanes, basura lahat ayon kay Duterte

Kuha ni Rose Cabrales

Kinastigong muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kritiko nito na si Senador Antonio Trillanes IV na pilit nagdadawit sa presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa isyu ng P6.4 billion shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).

Sa kanyang talumpati sa 11th Founding Celebration ng Eastern Mindanao Command Naval Forces sa Davao City, sinabi ni Duterte na mula noong kampanya para sa 2016 presidential elections ay pinupuntirya na siya ni Trillanes.

Pero ngayon, hindi umano niya palalagpasin ang paninira ni Trillanes sa kanyang anak na si Pulong.

Kung may ebidensya man, huwag daw patulan ang kay Trillanes dahil “basura lahat yan”, ayon kay Duterte.

Muli ring sinabi ng punong ehekutibo na siya’y magbibitiw sa pwesto kung mapapatunayan na sabit ang sinumang miyembro ng kanyang pamilya sa anumang isyu ng kurapsyon.

Si Vice Mayor Paolo ay nakaladkad sa kontrobersyal na pagkakapuslit ng mga ilegal droga mula sa China.

Pero ngayong araw, naglabas ng statement ang customs broker na si Mark Taguba na nag-aabswelto kay Duterte at sa mister ni Davao City Mayor Sarah Duterte na si Atty. Mans Carpio sa isyu ng shabu shipment.

 

 

 

 

Read more...