Bahay ni Mabilog, dinalaw na ng NBI

INQUIRE file photo

Binisita na ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kontrobersyal na bahay ni Iloilo City Mayor Jed Mabilog.

Ito’y alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng lifestyle check sa alkalde, na inakusahan niyang kasama sa kaniyang updated na listahan ng mga protektor ng drug lords sa bansa.

Dumating ang mga ahente ng NBI dakong alas-2:30 ng hapon ng Huwebes para sa nasabing ocular inspection, pero hindi naman ito tumagal ng isang oras.

Ayon sa tagapagsalita ni Mabilog na si Atty. Mark Piad, nagsabi ang NBI sa alkalde tungkol sa kanilang pagbisita.

Gayunman, wala si Mabilog nang magpunta ang NBI dahil nasa Japan ito para dumalo sa CityNet forum, na isang regional network ng mga lungsod at organisasyon para sa sustainable urban development.

Ang naturang bahay sa Barangay Tap-oc sa Molo District ang sinasabi ni Pangulong Duterte na mala-palasyo ang laki, at naging kontrobersyal dahil hinihinalang galing sa kaban ng bayan ang ipinagpatayo nito.

Read more...