Inialis na si Pangulong Rodrigo Duterte bilang respondent sa mga kasong murder na isinampa ng self-confessed hitman na si Edgar Matobato sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa source ng Inquirer na tumangging mapangalanan, sinimulan na ng mga imbestigador ang paghahain ng pormal na reklamo para sa preliminary investigation.
Gayunman, sinabi ng source na wala na si Pangulong Duterte sa mga respondents sa kasong murder kaugnay ng pagpatay sa broadcaster na si Jun Pala noong 2003, at kidnapping with murder sa miyembro ng religious group na si Jun Bersbal noong 1993.
Sa panayam naman kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, kinumpirma niya na nalaman na rin niyang nagsimula na ang preliminary investigation, pero wala siyang itinugon kung bakit nawala si Duterte sa mga respondents.
Muli namang nilinaw ni Morales na nag-inhibit na siya sa kaso dahil isa sa mga kinakasuhan ay si Pangulong Duterte.
Ang pamangkin kasi ni Morales na si Manases Carpio ang mister ng anak ng pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Nang tanungin naman ang abogado ni Matobato, sinabi ni Atty. Jude Sabio na nalaman niya rin ito pero wala pa siyang impormasyon tungkol sa mga respondents at kung bakit naalis si Duterte.
Ani Sabio, posibleng ito ay dahil sa presidential immunity, ngunit iginiit niya na hindi dapat ito maaring gamitin dahil alkalde pa si Duterte nang mangyari ang mga nasabing krimen.
Naghain na rin ng mosyon si Sabio para makahingi ng kopya ng mga kasong isinampa ng Special Panel of Investigators na nakatutok sa testimonya ni Matobato.
Tutol naman si Sabio sa nangyaring pagtanggal kay Duterte bilang respondent dahil ang pangulo mismo ang itinuturong mastermind sa dalawang krimen.