Pitong negosasyon sa pitong oras na tensyon ang pinalagpas ng mga nagmatigas na residente at Kadamay members bago nagdesisyon ang pulisya na gumamit na rin ng puwersa para maalis ang barikada na gawa sa mga kahoy at bakal.
Nagdesisyon na si Pasig Police Chief Sr. Supt Orlando Yerba Jr. na wasakin ang barikada dahil sa patuloy na pagmamatigas ng mga residente.
Ala sais ng umaga nang ilagay ang barikada sa kalahating bahagi ng kalsada dahil sa pangamba ng mga residente na sisimulan na ang demolisyon ng kanilang mga bahay.
Ngunit kahit anino ng demolition team ay wala naman nakita sa lugar.
Ilang residente ang umamin na ang alam nilang abiso ay para lisanin na nila ang kanilang mga bahay sa gilid ng ilog at hindi para sa demolisyon.
Inalok sila ng pamahalaang panglungsod ng bahay sa housing project sa Caluan, Laguna ngunit marami sa mga residente ang umayaw sa katuwiran na mapapalayo sila sa kanilang kabuhayan.
Hiningi pa ng mga residente na kausapin sila ng personal ni Mayor Bobby Eusebio at mangako Ito sa kanila na walang demolisyon na mangyayari.
Nang mga fire trucks na ang dumating at hindi ang kanilang mayor ay nagmatigas pa lalo ang mga nagbarikadang residente.
Sa unang buga ng tubig mula sa dalawang firetruck na lumapit sa barikada ang naging hudyat ng mga residente para paulanan ng mga bote, bato, kahoy maging mga binalot na dumi ng tao ang mga pulis at bumbero.
Kumilos na rin ang swat members nang tila hindi nauubos ang mga bote at bato at sinimulan na nilang habulin ang mga residente.
Ilang sa kanila ang naaktuhan pa na nambabato at nang sila ay hulihin ay todo tanggi sila.
Ayon Kay Yebra, iimbestigahan nila ang mga naaresto at sasampahan ng mga kaso kung kinakailangan.