Mas pinaigting na ng militar ang mga airstrikes at mortar attack sa 500-square-meter na bahagi ng lungsod para mabuwag ang pwersa ng Maute at Abu Sayyaf na nagtatago sa mga gusali doon.
Ayon kay Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista na commander ng 1st Infantry Division, ito ang paraan nila para ma-klaro ang lugar bago makapasok ang mga sundalo para sa kanilang final assault.
Ani pa Bautista, isa sa kanilang mga natutunang leksyon ay kailangan nilang ibuhos ang kanilang firepower para masuportahan ang kanilang advancing troops.
Nasa 500 metro na lamang ang layo ng advancing troops mula sa lawa kung saan muling nabawi ng gobyerno ang Barangay Mapandi.
Gayunman, aminado si Joint Task Force Marawi spokesperson Capt. Jo-Ann Petinglay na hindi madali ang magiging final assault ng militar.
Ayon kay Petinglay, nasa 50 sibilyan pa kasi ang bihag pa rin ng mga terorista, kabilang na ang pari na si Fr. Teresito Suganob.
Ito ang dahilan kung bakit hindi nila basta-basta maaring atakihin ang mga terorista, upang maingatan ang buhay ng mga sibilyang bihag ng mga ito.