TESDA, drug at corruption-free – Mamondiong

Ipinagmalaki ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa harap mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na malinis sa bahid ng kurapsyon at droga ang kanilang ahensya, nang dumalo ito sa selebrasyon ng kabilang ika-23 anibersaryo.

Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling Mamondiong, ito ay bilang patunay ng kanilang pagsuporta sa kampanya ng Pangulo laban sa kurapsyon at iligal na droga.

Inulat din ni Mamondiong ang mga accomplishments ng TESDA simula nang maluklok ito sa posisyon noong nakaraang taon. Kabilang dito ang barangay-based scholarship programs, OFW Reintegration Support Program, skills training para sa mga drug dependent at para sa mga marginalized sector, skills training sa mga Madrasah School System, at pag-oorganisa ng ASEAN Technical Education and Skills Development Council.

Nagbigay din ng talumpati si Pangulong Duterte sa isinagawang programa ng TESDA. Sinabi nito na saludo siya sa trabaho ni Mamondiong bilang pinuno ng TESDA, ngunit biniro niya ito na huwag naman puro trabaho ang atupagin.

Bagaman mayroong prepared speech ay hindi naiwasan ng pangulo na iwanan ito at magbigay ng impromptu speech kung saan pahapyaw niyang tinalakay ang tungkol sa mga isyung kinakaharap ngayon ng pamahalaan kagaya ng Kadamay, NPA, Marawi siege, maging ang pagkakaalis ni dating DSWD Judy Taguiwalo sa posisyon.

Samantala, napamura ang pangulo nang talakayin nito ang tungkol sa giyera laban sa iligal na droga na laging binabatikos ng mga kritiko.

Tinapos ng pangulo ang kanyang talumpati sa pagsasabing ang nais niya lamang ay mamuhay ng kumportable ang bawat isang Pilipino.

Ito ang unang pagbisita ng pangulo sa Central Office ng TESDA simula nang mahalal ito sa pwesto.

Read more...