Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, malaki ang posibilidad na manipulahin ng Uber ang “algorithm” ng kanilang application tulad ng kakayahan nila na maglagay ng price surge o dagdag sa binabayarang pasahe ng kanilang mga mananakay.
Kung kaya nais ng LTFRB na tiyakin ng Uber na hindi nila sisingilin sa riding public ang malaking halaga na nawala sa kanilang kita.
Umaasa ang ahensya na pantay at maayos ang gagawing pagtrato ng Uber sa kanilang mga pasahero.
Kahapon, pormal nang inalis ng LTFRB ang ipinataw na isang buwan na suspensyon sa Uber matapos makapagbayad ng transport network company ng multang 190 million pesos.
Pero bago ang pagbawi sa suspensyon, isinailalim muna ng LTFRB sa validation process ang mga ibinigay na financial assistance ng Uber sa kanilang mga partner driver.
Sa kabuuan, umabot sa 299.24 million pesos ang binigay na financial assistance ng Uber sa kanilang partner drivers, bukod ang ibinayad na 190 million pesos na multa sa LTFRB.