WATCH: Pagpatay sa isang lalaki sa Pasay, huli sa CCTV; 4 na iba pa patay sa hiwalay na insidente

Kuha ni Cyrille Cupino

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa kahabaan ng Tramo, Brgy. 60, Pasay City.

Kinilala ang biktima na si Angelus Corsame, 39 anyos, isang driver.

Ayon kay Brgy. Chairman Norberto Jennings, hindi na doon nakatira ang biktima at dumadalaw-dalaw na lang sa kanyang mga kaibigan paminsan-minsan.

Kilala rin umanong gumagamit ng droga si Corsame, pero hindi naman ito nagtutulak.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang sinundan ng nag-iisang suspek na sakay ng motorsiklo ang biktima habang naglalakad ito.

Ipinarada pa ng suspek ang kanyang motorsiklo, at nang dumaan na ang suspek sa kanyang harapan, saka niya na hinabol ang biktima at pinaputukan ito.

Nagpambuno pa ang salarin at ang biktima pero hindi ito tinigilan at pinaputukan nang makailang beses.

Dinala pa sa Pasay City General Hospital ang biktima, pero binawian rin ng buhay matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Nakita sa crime scene ang 9 na basyo ng hindi pa malamang kalibre ng baril.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.

Samantala, dalawa ang patay at isa ang sugatan sa insidente ng pamamaril sa Gate 64, Parola Compound, Binondo Maynila.

Kabilang sa napatay si PO1 Marmmy Montemayor na nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Meisic Police Station.

Naisugod pa siya sa Gat Andres Hospital ngunit idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng tama ng bala sa dibdib at kaliwang mata.

Dead on the spot naman ang isang lalaki na sinasabing asset na kakausapin sana ni Montemayor.

Wala pang pagkakakilanlan ang lalaki na nakasuot ng puting polo shirt at brown na shorts, tinatayang 40 hanggang 45 ang edad, at 5’7 ang taas.

Isa pang lalaki ang sugatan sa pamamaril at isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center matapos tamaan ng bala sa hita.

Sa inisyal na impormasyon mula sa Meisic Police Station, pumunta si Montemayor sa lugar para kausapin ang asset.

Bigla na lang sila pinagbabaril ng isang lalaking suspect na sa hinala ng mga pulis ay nasagasaan nila sa mga nakalipas na drug operations sa lugar.

Agad na tumakas ang gunman at sumakay sa motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaki.

Nakuha sa crime scene ang tatlong basyo ng bala at isang slug ng calibre .45.

Sa hiwalay na insidente, dead on the spot ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem sa Raxabago St. corner Dagupan Ext. St. Tondo, Maynila.

Kinilala ang biktima na si Mark Joseph Viray na sinasabing runner ng iligal na droga.

Kwento ng kapatid ni Viray, magdedeliver umano ang biktima ng droga ngayong umaga nang mabalitaan na lang nila na pinagbabaril ito.

Aminado ang mga kaanak ng biktima na runner at user rin si Viray.

Dati na umanong nakulong ang biktima sa hindi malinaw na kaso at sumuko na rin umano ito sa Oplan Tokhang.

Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng tatlong magkakasunod na putok ng baril mula sa riding-in-tandem na agad ding kumapiras ng alis.

Nakuha mula sa crime scene ang tatlong basyo ng bala ng calibre .45.

Kasalukuyan pa ring pinaghahanap ang mga suspek.

Kuha ni Khyz Soberano

Sa Caloocan City naman, agad na nasawi sa loob ng kaniyang bahay ang hinihinalang tulak ng droga na si Erwin Labantosa, 37-anyos matapos makipagbarilan sa mga otoridad sa Ph. 7, package 1, lot 8, Blk. 55, Brgy. 176, Bagong Silang.

Ayon sa PCP 3 ng Bagong Silang police station, nagkasa sila ng follow up operation, makaraang makatanggap ng sumbong mula sa isang concerned citizen kaugnay sa tatlong kalalakihan na nagsasagawa ng drug session sa naturang lugar.

Ngunit pagdating doon ng mga operatiba, agad silang pinaputukan ng suspek na si Labantosa kaya’t napilitan silang gumanti ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng nabanggit na suspek.

Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang dalawang nakatakas na kasamahan ni Labantosa.

Nakuha sa loob ng bahay ng suspek ang isang 38 revolver, ilang sachet ng iligal na droga at mga drug paraphernalia.
Hindi naman tumalab ang suot umanong anting-anting ni Labantosa na kabilang sa drug watchlist ng barangay.

 

Read more...