Maagang nagsikip ang daloy ng traffic sa kahabaan ng EDSA southbound matapos ang aksidenteng naganap sa EDSA-Main Avenue.
Ito ay matapos maaksidente ang isang tow truck habang hila-hila nito ang isang dump truck at nadamay pa ang isang pampasaherong bus.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hila ng tow truck ng Dragon V na may body number 3 ang isang dump truck nang ito ay biglang pumreno, dahilan para mabangga ito ng hinihilang truck.
Sa lakas ng pagkakabangga, umikot ang tow truck at nabangga naman nito ang Eva Air Bus.
WATCH: Ang dump truck na nasangkot sa karambola ng mga sasakyan sa EDSA | @MMakalaladINQ pic.twitter.com/pSv0MAzSRl
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) August 29, 2017
WATCH: Naitabi na ang mga sasakyang sangkot sa aksidente | @MMakalaladINQ pic.twitter.com/NRuxAbDk5J
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) August 29, 2017
Naokupahan ng nasabing mga sasakyan ang tatlong lane sa EDSA Main Avenue southbound.
Naganap ang aksidente alas 6:50 ng umaga na kasagsagan ng rush hour dahilan para magdulot ito ng matinding pagsisikip sa daloy ng traffic.
Ayon sa MMDA, umabot sa EDSA Quezon Avenue ang tail end ng traffic at naapektuhan din ang mga sasakyan na galing sa East Avenue pakaliwa sa EDSA.
Kumalat pa sa kalsada ang bubog mula sa nabasag na salamin ng bus.
Wala namang nasaktan sa mga pasaherong sakay ng bus, gayundin sa mga sakay ng dump truck at tow truck.