Lalaki patay matapos pagbabarilin sa Tramo, Pasay City

Kuha ni Cyrille Cupino

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa kahabaan ng Tramo, Brgy. 60, Pasay City.

Kinilala ang biktima na si Angelus Corsame, 39 anyos, isang driver.

Ayon kay Brgy. Chairman Norberto Jennings, hindi na doon nakatira ang biktima at dumadalaw-dalaw na lang sa kanyang mga kaibigan paminsan-minsan.

Kilala rin umanong gumagamit ng droga si Corsame, pero hindi naman ito nagtutulak.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang sinundan ng nag-iisang suspek na sakay ng motorsiklo ang biktima habang naglalakad ito.

Pinarada pa ng suspek ang kanyang motorsiklo, at nang dumaan na ang suspek sa kanyang harapan, saka niya na hinabol ang biktima at pinaputukan ito.

Nagpambuno pa ang suspek at ang biktima pero hindi ito tinigilan at pinaputukan nang makailang beses.

Dinala pa sa Pasay City General Hospital ang biktima, pero binawian rin ng buhay matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Nakita sa crime scene ang 9 na basyo ng hindi pa malamang kalibre ng baril.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.

Read more...