Mga magulang ni Kian delos Santos isinailalim na ng DOJ sa WPP

Inquirer photo

Isang araw makaraang personal na makipag-usap sa kanila si Pangulong Rodrigo Duterte ay isinailalim na sa provisional coverage ng Witness Protection Program (WPP) ang mga mga magulang ng 17-anyos na si Kian Delos Santos.

Personal na nagtungo sa DOJ sina Zaldy at Lorenza Delos Santos at doon ay isinailalim sila sa proseso para sa coverage ng WPP.

Sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na patunay lamang ito na seryoso ang pamahalaan sa pagbibigay ng proteksyon sa mga kaanak ni Kian kasabay ng pagtiyak na mabibigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Nauna nang sinabi ng pangulo  na gusto niyang tiyakin ang proteksyon ng mag-asawang Delos Santos lalo’t mga alagad ng batas ang itinuturong pumatay sa kanilang anak na si Kian.

Sa kanyang panig, sinabi ni Aguirre na handa ang kanilang tanggapan na tanggapin sa WPP ang iba pang mga saksi kabilang na ang dalawang menor-de-edad na nauna nang kinuha ng kampo ni Sen. Risa Hontiveros.

Sa kanilang pakikipag-usap sa pangulo kahapon ay sinabi ni Aling Lorenza na mas gumaan ang kanilang pakiramdam nang makausap nila ang pangulo kahapon.

Read more...